top of page

GABALDING

4_edited.jpg
2.jpg

Sa panahon ng walang paring gabay ang Parokya ni San Patricio, at ito ay sinubaybayan sa pamumuno at pamamahala ng isang lider layko sa katauhan ni Gng. Emma M. Pantay katuwang ang mga katikista at lider layko na sina Mary Murillo, Amang Rollo, Masang delos Reyes, atbp. ay napasimulang pag–ugnayin ang dalawang parokya ng Gabaldon at Dingalan. Sapagkat sa panahong ito ang Kura Paroko ng Gabaldon ay si Fr. Pepito Bernardo na siyang madalas na dumadalaw at nagbibigay ng sakramento sa Dingalan.

Taong 1978 ng ganapin ang kauna-unahang Gabalding Daan ng Krus sa araw ng Biyernes Santo, ang mga miyembro ng dalawang sambayanan ni San Pablo Apostol ng Gabaldon at San Patricio ng Dingalan ay naglakad mula sa kani-kanilang bayan patungo sa itinalagang Gabalding Site sa boundary ng dalawang bayan. Doon isinasagawa ang pagninilay ng Huling Wika at pagsamba sa krus, nagkaroon ng hatian ng gawain at gampanin ang mga piling tao na nagsipag-participate sa pagdiriwang.

Mula noon, taun-taon ay ipinagdiriwang ang Gabalding na kung saan ay magkakasamang pinagninilayan ang Daan ng Krus na Panginoong Hesu-Kristo na ang mga Tema at Paksa ay ayon sa PAGMAMALASAKIT/PAGKALINGA SA BUHAY ng Inang KALIKASAN.

Taong 1984, pumanaw si Fr. Pepito (Pites) Bernardo, natigil ang pagdiriwang ng Gabalding at sa panahong ding ito ay nabigyan ang Dingalan ng paring tagapamahala sa katauhan ni Fr. Boy Makabenta ng Prelatura ng Infanta. Nagkanya-kanyang pagdaraos ang pagdiriwang ng Biyernes Santo ang dalawang Parokya.

Taong 1989, naging paring tagapamahala ng Dingalan si Fr, Israel G. Gabriel at si Fr. Edwin C. Beley sa Gabaldon. Muli nilang sinubukang ibalik ang ugnayan ng dalawang parokya at ipinagpatuloy ang pagdiriwang ng Gabalding. Sa pagkakataong ding ito at nakapag organisa din ang Gabalding Encounter na ginaganap tuwing buwan ng Disyembre. Dito ay mayroon Sports Fest, Balitaan, Sharing ng mga gawain at programa sa dalawang parokya, pinangungunahan ng bawat Pastoral Council at mga lider layko. Naging napakasigla ang partnership ng dalawang pari at kani-kanilang parokya, dito muling sumibol ang magkasamang pagtutol at pagtuligsa sa isyu ng Huweteng at pagtatanggol sa Kalikasan. Nagkarooon ng mga rally, paghaharang sa kalsada sa mga truck ng troso, na nagmumula sa Dingalan at dumadaan sa Gabaldon. Humantong ang pagtutol na ito na nagkusang mag Hunger Strike ang mga sangkot na lider ng dalawang parokya sa Main Office ng DENR sa Maynila na noong panahong iyon ang DENR Secretary si G. Factoran.

Mula noon, hanggang dumating si Fr, Osee Molde at nagpapalit-palit ng paring tagapamahala ang dalawang bayan hanggang ngayon ay patuloy ay ipinagdiriwang ang Gabalding Daan ng Krus, subalit ang Gabalding Encounter ay hindi na naipagpatuloy; sa kadahilanang napalitan si Fr. Edwin Beley ng Gabaldon at di na gaanong nabigyan ng pansin ng mga sumunod na pari.

Taong 2008, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakiisa sa pagdiriwag ang obispo ng Prelatura ng Infanta si Bp. Rolando Tria Tirona sa pagdiriwang ng Gabaldon Daan ng Krus, kung saan siya ay nakiisa sa paglalakad patungo sa bundok ng kalbaryo ng Gabalding Site.

Sa kasalukuyan, patuloy pa ding pinagsisikapan ng dalawang Parokya, Gabaldon at Dingalan sa pangunguna ng kani-kanilang mga Paring Tagapamahala ang pagdadalisay at pagtutuloy ng kasaysayan ng isang makabuluhang gawain at pagdiriwang upang gunitain ang pagpapakasakit at pag-aalay ng Buhay ng ating Panginoong Hesu-Kristo sa bundok ng kalbaryo.

bottom of page